Landas ng Pagpapakabanal

 

Sulat Pastoral

ng Kapulungan ng mga Obispong Katoliko

ng Pilipinas sa mga Pilipinong Katoliko

 

 

Mga minamahal naming kapatid kay Kristo:

1. Sa nagdaang panahon sumulat kami sa inyo tungkol sa kalagayan ng ekonomya, pulitika, at kultura sa ating bansa.  May maliwanag, may madilim sa mga aspetong nabigyang pansin tungkol sa ating kasaysayan at kasalukuyang kalagayan bilang isang bayan.  Ang lahat ng ito ay may ipinakikita at ipinahihiwatig tungkol sa atin bilang mga mananampalataya at mamamayan, sa atin bilang isang bayang naturingang bukod-tanging Katoliko sa Asya. Batay sa nailarawang kalagayang pang-ekonomya, pampulitika, at pang-kultura, maipagmamalaki ba natin na tayo ay isang bansang “Kristiyano”? May naidudulot bang pagkakaiba ang pananampalatayang Kristiyano sa takbo ng kasaysayan at sa paghubog sa lipunang Pilipino?  Ano ang masusulyap sa ating kalooban bilang isang bayan, batay sa takbo at kalagayan ng ating lipunan?  Sino tayo, at anong klaseng landas ng pagpa-pakatao at pagpapakabanal ang sinusundan natin?

Layunin

2. Sa bagong sulat-pastoral na ito, bilang tugon sa panawagan ng Santo Papa Juan Pablo II na ihanda ang Santa Iglesya sa kanyang paglalakbay patungo sa ikatlong milenyo, nais naming anyayahan kayo—mga minamahal na kapatid sa pananampalataya—na pagtuunan ng pansin ang landas ng pagpapakabanal na ating nakagisnan bilang mga Katolikong Pilipino.  Saan tayo nagsimula, nasaan tayo ngayon, saan tayo patungo?  Saan, paano, at kailan natin nakatagpo sa ating kasaysayan ang Panginoong Hesukristo?  Anong pagkakaiba ang naidulot at naidudulot sa atin ng pagtatagpong ito?

3. Kasama ang Kristong ating nakatagpo, sisikapin nating mailarawang muli ang nakaraan at mabigyan ito ng bagong kahulugan.  Sa gitna ng kadilimang ating nilalakbay, hayaan nating pag-alabin niyang muli ang ating mga puso.  Hayaan nating maipakilala niyang muli sa atin ang kanyang sarili, ang kanyang layunin, ang kanyang landas.

4. Kung tutuusin, para sa amin din ang sulat na ito, dahil— kung landas ng pagpapakabanal ang pag-uusapan—saan pa ba kami magsisimula kundi sa aming sari-sariling mga karanasan at pagmamasid din tungkol dito?  Sa gayon ay magagawa din naming suriin, kilatisin at punahin ang aming mga sarili bilang isang kalipunan ng mga obispo—sa aming kaugnayan sa mga pamayanang Kristiyanong ipinagkatiwala sa amin ng Pastol ng mga pastol—ang Panginoong Hesukristo.  Hindi lang minsan o makalawa na naming naitanong sa aming sarili nitong mga nagdaang panahon, kung masasabi ba namin bilang mga pastol na kilala namin ang aming mga tupa kung paanong kilala rin nila kami at sinusundan ang aming tinig?  O baka kaya, lingid sa aming kamulatan, ang tinig nami’y banyaga na sa kawan at ang kawan ay malaon nang nawalay sa amin?  Kayo, mga kapwa mananampalataya, ang magsasabi nito pagkabasa ninyo ng sulat na ito.  At dahil hangad naming makipag-usap nang puso-sa-puso, minabuti rin namin, sa kauna-unahang pagkakataon na isulat ito sa isang wikang hindi banyaga sa inyo, sa wikang natanggap na natin bilang wikang pambansa, lalo na sa pagkakataon ng ika-isandaang taon ng ating pagiging isang bansang malaya.

“Matanda” ang Itawag Ninyo sa Amin

5. Kahit totoong marami sa aming mga obispo ang may-edad na, madalang lang ang matutuwa kapag may nagsabing “matanda” na siya.  Sino nga ba ang nais matawag na “matanda” kung iniuugnay ito sa pagputi o pagkalagas ng buhok, sa pagiging sakitin, bugnutin, ulyanin at wala nang silbi?  Mas matamis nga naman sa tenga ang masabihang “Bata pa pala kayo,” dahil iniuugnay ito sa pagiging malakas, masigla at may silbi.

6. Sayang naman kung patatangay na rin tayo nang lubusan sa ganitong uri ng pag-iisip.  Unti-unti, ito na ang kaisipang nangingibabaw sa mga lipunang babad sa kapitalismo at konsumerismo.  Kapital nga naman ang tingin sa pagkabata, may silbi pa sa produksyon.  Pasanin ang matatanda, pabigat, wala nang silbi sa paggawa.  Iyon ay kung produksyon ang pangunahing batayan ng pagiging “may-silbi”.  Hindi ito Pilipino,  at lalong hindi Kristiyano.

7. Sa katunayan, kabaligtaran ng ulyanin, makakalimutin at walang silbi ang ugat na kahulugan ng salitang “matanda”.  Ma-tanda ang hindi madaling makalimot, matandain. Higit sa lahat, mahusay bumasa at umunawa sa mga palatandaan ng buhay, dahil mas mayaman sa karanasan.  Sa katutubong kultura natin, hindi ang may-edad, kundi ang mga batang kulang pa sa karanasan ang madaling makalimot.  Kaya nga pinahahalagahan sa atin ang nakatatanda. Iginagalang, pinakikinggan, may mahalagang papel na ginagampanan sa lipunan.  Sa pagdaan ng panahon, hindi lang matanda ang itatawag sa kanila.  Sila na mismo ang ituturing nang Tanda (hal. Tandang Pasyo, Tandang Sora), mga buhay na mapang nagtuturo ng landas upang di maligaw ang manlalakbay.

8. Aba, kung ganito pa rin ang kahulugan sa atin ng “matanda” ay ikararangal naming matawag ninyong nakata-tanda! Sa katunayan hindi ito nalalayo sa sinaunang pakahulugan sa salitang presbyteroi sa Banal na Kasulatan.  Sanhi marahil ng impluwensiya ng kulturang Hudyo, tinawag ding “matatanda” ni San Pablo ang mga tagapangasiwa sa mga sinaunang pama-yanang Kristiyano.  Sa kanyang paglalahad sa mga katangiang hinahanap sa mga pinuno ng pamayanan, malayang pinagpapalit ni San Pablo ang salitang episkopos (tagapangasiwa) at presbyteros (nakatatanda). (Tito 1:5-7; 1 Tim 3:1-7; 5:17-19). Tinatawag niyang “matanda” ang mga obispo dahil itinuturing silang nakatatanda sa pananampalataya na nahirang bilang tagapangasiwa sa pamayanang Kristiyano.  (LG, 26-27; CD, 2 & 15).

9. Ganito pala ang papel namin bilang mga nakatatanda:  ang magmasid at makinig nang mabuti sa mga pangyayari, sa takbo ng panahon, sa nakaraan at kasalukuyan, upang malaman ang dapat patunguhan ng pamayanan.  May kinalaman pala ito sa kakayahang bumasa ng kalooban ng tao at tumuklas sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagkilala sa mga palatandaan, at pag-unawa sa kahulugan ng mga ito.  May kinalaman pala ito sa pakikiisa sa gawain ng Dakilang Pastol sa pangangalaga sa kawan, lalo na sa mga maliliit, sa paggabay at pag-aantabay sa buong pamayanan sa gawain ng pagkilatis sa tama at mali, sa mabuti at masama, sa matuwid at lihis.  At kahit na ito’y isang kakayahang kaloob ng Diyos na kalakip ng aming mismong pagkakahirang bilang mga obispo, hindi rin pala namin basta maipapalagay na taglay nga namin ito, kung hindi rin kami kasamang nagsusumikap na may kababaang-loob na makilakbay sa landas ng pagpapakabanal bilang Kristiyanong Pilipino.

10. Ang ganitong kamulatan sa papel na dapat naming gam-panan bilang inyong mga pastol at pinunong-lingkod ang siya ngayong gumagabay sa paglikha namin ng sulat-pastoral na ito.

I.   PAGLALARAWAN

Landas na Nakagisnan

11. Aminin natin, hindi payak ang minana nating landas ng pagpapakabanal.  Bunga na ito ng masalimuot nating kasaysayan bilang mga pamayanang may angkin nang katutubong karanasan sa Banal bago pa napadpad dito sa atin ang mga unang misyonerong Kastila na nagdala ng pananampalatayang Kristiyano sa atin. Banyaga sa atin ang pananampalatayang ito.  Tinanggap ng ating mga ninuno kung paano tinatanggap ang dayuhan: magalang, mapitagan, masuyo—ngunit nanatili munang dayuhan.  Kailan at paano ito unti-unting tumalab sa ating katutubong kalooban ay mahirap nang bakasin.  Sapat nang sabihin na sa kabila ng himagsikang nagwaksi sa dayuhang mananakop, nanatili pa rin ang Kristiyanismo sa atin.  Maaari kayang sabihing palatandaan ito na kahit paano’y nagkatugunan din ng kalooban ang katutubo at dayuhan at nagbunga ang pagtatalik ng dalawang abot-tanaw ng isang mestisong supling?  Nawala ang dayuhang ama, ngunit naiwan ang mestisong supling.

12. Aminin natin, hindi man katutubo ang Kristiyanismo sa Pilipinas, ay hindi na rin ito dayuhan.  Kapwa dumadaloy na sa ating kamalayan bilang Pilipinong mananampalataya ang kaloobang sabay na katutubo at dayuhan. Ni hindi tayo maihahalintulad sa ibang mga Kristiyano sa Asya na minorya sa kani-kanilang mga bansa.  Kung baga sa banyagang puno na natanim sa katutubong lupa, malalim na rin ang pagkakaugat sa atin ng pananampalatayang Kristiyano. Tumubo ito at nagsanga.  Kumusta ang bunga, matapos ang mahigit na apat at kalahating dantaon?  Ano ang ibinunga nitong kalooban?  Ano ang mga katangian, hangarin, kakayahan at kakulangan ng kaloobang ito?   Anong landas ang sinusundan nito sa gawaing pagpapakatao at pagpapakabanal?

13. Sikapin nating hanapin ito sa ating mga sinasabi at ibig sabihin, sa ating mga kagawian, kaugalian, at ibig ipahiwatig ng mga ito. Kung minsan, hindi tayo magkaunawaan dahil narinig man nang malinaw ang ating sinasabi, hindi naman naunawaan ang ibig nating sabihin. Sa usapin man ng landas ng pagpapakabanal, marami tayong sinasabi.  Ipinahahayag natin ang mga ito sa mga salitang taglay ng ating mga kasabihan o kawikaan, sa mga kaisipang ipinahahayag ng ating mga kau-galian, at sa ating mga iniaasal sa kapwa.  Ano ang ating sina-sabi?  At ano naman ang ibig nating sabihin?  Ano ang ipina-susulyap nito tungkol sa kaloobang Pilipino?

14. Sa mga malaon nang magkakilala at magkalapit-loob, hindi ito problema.  Isang kindat lang, o turo ng nguso, o taas-kilay, ay maaari nang magkaunawaan.  Sa mga magkalayong-loob, kung minsan, anumang dami ng salita at pahiwatig ay hindi pa rin magkaintindihan.  Alin kaya kami sa dalawa, kaming inyong mga obispo?

15. Sa unang bahaging ito ng aming sulat, nais naming ilara-wan sa abot ng aming makakaya, ang landas ng pagpapakabanal na sinusundan ng kaloobang Pilipino. Tatlong bagay daw ang kahulugan ng salita (dabar) sa mga Hebreo: salita ng isip, salita ng bibig, salita ng gawa.  Bibigyan namin ng pansin ang tatlong aspetong ito sa ipinahahayag na salita ng Pilipinong Kalooban tungkol sa landas ng pagpapakabanal, ayon sa ating mga kaisipan, kasabihan, kawikaan, larawan, kaugalian, kahiligan, atbp, kasabay ng pagbigkas sa ibig ipakahulugan at ipahiwatig ng mga ito.

A.  Sinasabi at Ibig Sabihin

“Loob, Kalooban”

16. Malawak ang mga panulat na nailimbag na ukol sa kahulugan ng loob at kalooban para sa Pilipino.  At dahil nasa larangan ng loob at kalooban ang tinatalakay nating landas ng pagpapakabanal, kahit pahapyaw lamang ay sikapin natin ngayong bigkasin ang kahulugan ng larangang ito.

17. Pag sinabi tungkol sa isang binata na “Nasa pagpapari ang loob niya,”  ibig sabihin, pangarap niyang maging pari.  Kapag sinabi namang “Buo na ang loob niya,” ibig sabihin, nagpasiya na siya.  “Hindi niya kalooban ang nangyari.”  Ibig sabihin, hindi niya kagustuhan.  Hangarin, layunin, kagustuhan, pangarap, desisyon, ibig mangyari… ang lahat ng ito’y nasa larangan ng loob, panloob, o kalooban para sa atin.  Ang damdamin ng pagkaakit, pagka-humaling at pag-ibig ay gayundin.

18. Kapag sinabi halimbawang “May loob sa Diyos ang taong iyan,” ibig sabihin, may kabanalan siyang taglay.  Ganito kung ilarawan ang mga taong may kabanalan, “may loob sa Diyos.” Malinaw sa atin ang pagkakaiba ng tunay na banal sa “nagbabanal-banalan” lamang.  Ang “pagbabanal-banalan” para sa atin ay nasa larangan ng puro panlabas, wala sa loob. Hindi kaiba sa madalas kutyain bilang “pakitang-tao”.  Para sa atin, hindi sapat na batayan ng kabanalan ang nakikita sa panlabas na kaanyuan, kahit maaaring makita at madama sa panlabas na kaanyuan ang Banal.  Mas mahalaga kaysa dalas ng pagsisimba, pagdarasal, at iba pang gawaing iniuugnay sa kabanalan ang tanong:  “may loob ba siya sa Diyos?” Sa larangan ng loob, panloob, o kalooban nagaganap ang tunay na kabanalan. Hindi tuloy kataka-taka na hindi maipaghihiwalay sa atin ang kabanalan at kagandahang-loob—na lagi namang nakaugnay sa pagiging mabait, matapat, mapag-malasakit, mapagpakumbaba, atbp.

Ito marahil ang dahilan kung bakit sa atin, hindi na kailangang ipaliwanag pa ang talinghaga ng pariseo at publikano (Lukas 18:9-14).  Madaling maunawaan ng Pilipino kung bakit hindi ang pariseong nagmamapuri sa kanyang gawaing-kabanalan kundi ang publikanong makasalanan ngunit nagpapakumbaba ang nakitaan ng kabanalan ng Panginoon.

“Banal, Mahal”

19. “Di tayo pababayaan ng Mahal na Birhen.”  “Malapit na ang Mahal na Araw.”

Kapansin-pansin sa ating paraan ng pananalita kung paano natin malayang ipinagpapalit ang salitang banal sa mahal. Sa atin hindi magkaiba ng kahulugan ang dalawa.  Mahal ang Banal, Banal ang Mahal.  Mahal ang turing natin sa Banal.  Dahil kaya mahal ang tawag natin sa mga bagay na namumukod-tangi, kakaiba, di-mumurahin, mahalaga?  Mahal din ang tawag natin sa mga taong may malalim na kaugnayan sa buhay natin at pinahahalagahan natin.

20. Sa isang banda, masasabing ipinahihiwatig lamang nito na ang kabanalan ay itinuturing nating kayamanan— kaya Mahal.  Ito’y nagpapatingkad sa uri at katangian ng pagkatao ng tao, at nagbibigay ng kakaibang halaga sa gawain at samahan.  Marahil isang dahilan ito kung bakit lahat ng luho, alahas, maringal na kasuotan at iba pang bagay na mamahalin ang ibinabalot ng Pilipino sa mga poon, sa Mahal na Birhen, sa mga santo’t santa.  Hangad nating ipahayag ang karangalan nila, ang kamahalan nila.  Ibig nating itampok ang kaibahan nila, ang halaga nila sa atin.

21. Sa kabilang banda naman, may iba pang ipinasusulyap ito sa atin.  Maaaring ipinahihiwatig din nito sa atin na ang kabanalan ay laging nakaugnay sa mahal, sa pagmamahal. Banal si Kris-to sapagkat minahal niya tayo, at lubhang inialay ang buo niyang buhay sa ikatutubos natin. Dalisay na pagmamahal, kagitingan, kabayanihan — ang lahat ng ito ay iniuugnay natin sa kabanalan.  Para bang ibig nating sabihin: walang masu-sulyapang Banal sa taong hindi marunong magmahal.

22. Kaya pala parating napakatindi ng dating sa atin ng mga salita ni San Pablo:  “Anumang husay kong magsalitang tulad ng tao at mga anghel, kung wala akong pagmamahal, wala akong ipinag-iba sa maingay na batingaw at pompiyang na uma-alingawngaw.  Anumang husay kong manghula at umunawa… ipamigay ko man ang lahat ng ari-arian ko, pati na ang katawan ko, kung wala akong pagmamahal, walang katuturan ito.” (1 Corinto 13:1-3)

“Awa ng Diyos”

23. Madalas mabanggit sa karaniwang usapan ng Pilipino ang awa ng Diyos. Sa natutuksong mawalan ng pag-asa, may nagsasabi: “May awa ang Diyos.” Sa kinukumusta, “Mabuti naman, awa ng Diyos.” Sa nagmamano: “Kaawaan ka ng Diyos.” Sa kamalayang Pilipino, halos pareho ang awa sa grasya, sa biyaya. Kahit bunga pa ng ating pinagpaguran o pinaghirapan ang anumang kariwasaang natamo natin, tiyak na mangingibabaw pa rin ang paniwalang ito’y mula sa awa ng Diyos.

24. Palagi, para sa atin, may kinalaman ang awa sa Banal.  Walang kabanalan sa taong malupit at hindi marunong mag-patawad.  Walang kabanalan sa taong walang malasakit at hindi man lamang maantig ang damdamin kapag nasaksihan ang pagdurusa ng kapwa.  Ilan sa mga talinghaga sa ebanghelyo ni San Lukas na Pilipinong-pilipino ang dating ay ang mabuting Samaritano (Lukas 10:30-37), at ang alibughang anak (Lukas 15:11-32).  Malakas tumimo sa damdaming Pilipino ang mga kuwentong ito dahil awa ang paksa: awa ng Samaritano sa biktima, at awa ng ama sa anak.  Kapwa larawan ng kabanalan sa atin ang dalawa dahil inuugnay natin ang awa sa Banal.

25. Sa kabilang dako, mulat din naman tayo na hindi lang sa awa nasusubok ang tunay na kabanalan kundi rin sa gawa. Sa mga taong dasal na lamang nang dasal, madalas mabanggit ang isang lumang kasabihan na alam nating lahat: “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.

“Mabuting Hangin”

26. Hangin ang larawang madalas nating gamitin sa maraming kalagayan:  sa taong galit, “masama ang timpla ng hangin”; sa taong mayabang, “malakas ang ihip ng hangin”; sa taong maysakit, “nahipan ng masamang hangin”. Sa mga taong laging kamalasan ang dala, nasasabi kung minsan: “Anong masamang hangin ang nagpadpad sa iyo dito?” At pag hindi ka nagsisimba, kung minsa’y mapagsasabihan ka ng matatanda: “Pumasok ka nga ng simbahan nang mahipan ka ng mabuting hangin.”

27. Hindi malayo ang kaisipang ito sa paglalarawan sa Espiritu Santo ng Banal na Kasulatan: hangin (Gen 1:2), hininga ng Diyos (Juan 20:22).  Ang Banal para sa atin ay parang mabuting hangin na nagdudulot ng kaayusan, nagtataboy ng masamang hangin ng galit at hidwaan.  Di ba’t hangin din ang larawang ginamit ni San Lukas tungkol sa pagdating ng Espiritu Santo sa araw ng Pentekostes?  (Gawa 2:2)  Isang hanging yumanig sa buong kabahayan at nagdulot sa kanila ng mga “dilang apoy”, o kakayahang magsalita sa iba’t ibang wika; isang kakayahang maghatid ng pagkakaunawaan, ng bagong kaayusan.  Ang bagong hanging ito ang nagtaboy sa masamang hangin ng sumpa ng Babel, sa sumpang nagdulot ng pagkakawatak-watak, ayon sa aklat ng Genesis.  (Gen 11:1-11)

Ang Tamang Daan

28. Kung ang buhay para sa atin ay paglalakbay, ang kabanalan ay may kinalaman sa paghahanap sa tamang daan.  Madalas ilarawan ang mga taong napapasama bilang “mga nalilihis ng landas.” Ang tingin sa kanila’y parang manlalakbay na naligaw o nawalan ng direksyon.  Walang damdaming Pilipino na hindi naaantig kapag naririnig sa kantang Anak: “Nagdaan pa ang mga araw at ang landas mo’y naligaw, ikaw ay nalulong sa masamang bisyo.” Magkaiba para sa atin ang naliligaw sa nawawala.  Hindi “ligaw” ang tawag sa taong kusang lumihis ng landas.  Pinaghahanap ang naliligaw, dahil, sa ganang atin, hindi sinasadya ang pagkakamali.  Ang mismong paghahanap ay sagisag na ng naunang patawad sa nagkamali.

29. Kung paglalakbay ang pagpapakabanal, ito’y may layunin, at hindi lahat ay umaabot sa paroroonan.  Isa pang dahilan dito’y ang “paglaki ng ulo”.   Kaya rin siguro may kasabihan tayong:  “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi maka-rarating sa paroroonan.” Malalim ang ating pagpa-pahalaga sa gawain ng pagtanaw ng utang-na-loob.  Para sa atin, hindi kailanman pinagpapala ang mga taong walang utang-na-loob. May kinalaman ang nakaraan sa hinaharap. May kinalaman ang pinag-mulan sa patutunguhan.  Hindi aabot ang nakalilimot.  Pangunahin sa mga hindi dapat talikdan, para sa atin, ay ang mga ninuno, mga magulang, mga kamag-anakan, at ang abang simulain.  Isang banal na gawain sa atin ang pag-iilaw ng kandila sa mga yumaong ninuno, magulang, at kamag-anakan.  Isang banal na gawain din ang alagaan ang matatanda hanggang kamatayan.  Isang banal na tao ang nananatiling mababa ang loob kahit nagtagumpay na, o malayo na ang nara-rating. Isang banal na gawain ang maging mulat sa kasaysayan.  Hindi lamang ito pag-alaala at pagsalaysay sa mga nangyari sa nakaraan, kundi pagbabalik sa nakaraan sa hangaring mabigyang-saysay ang kasalukuyan at ang hinaharap.  Di ba’t ito rin mismo ang kahulugan ng paggunitang ginagawa natin sa bawat pagdiriwang ng Eukaristiya:  “Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” (Lukas 22:19; 1 Corinto 11:24-25).

Part 2

_______________________________________________________________________________

1990s

The Catholic Bishops' Conference of the Philippines

The Official Website of

CBCP Online

Pastoral Letter on Filipino Spirituality

_______________________________________________________________________________